January 20, 2008 [an entry for the Marian Pages] this made me the Staffer of the Year.
Baranggay Bukong-bukong
“PISBOL”
Sa Baranggay Bukong-bukong, madalas akong makikitang nakaupo sa loob ng tindahan, pinapanood ang mga taong pabalik balik, mga batang nagtatakbuhan, dala ang garter at pepwesto na sa harap nitong bakery.
Marami ng tao sa daan, hapon na kasi. Palabas na sila kagawad na may dalang bangko, at ayan na si kapitan parating na akala mo’y maghahamon ng away.
Sa araw-araw na lang na pag-upo ko ditto sa tindahan, parehong tagpo ang nakikita ko mula dito.
Sa kasarapan ng pagmamasid ko, biglang sumigaw si Aleng Etang dala ang walis saba’y bugaw sa mga batang naglalaro sa harap ng kanyang bahay. Nagtakbuhan silang lahat, bitbit ang kani-kanilang tsinelas wari mo’y may pulis na paparating sa sobrang takot na baka abutan sila ng walis ni Aleng Etang.
Maya maya, may nakita akong paparating, lumabas na ang mga tao sa kani-kanilang bahay at huminto na nga ito sa harap nitong bakery. Ang paborito naming tambayan ng “prinsesa” ko, ang pisbolan ni Manong.
Marami ding bumibili doon kasi bukod sa masarap, mura pa!
Araw-araw tinatanaw ko siya mula dito sa loob ng tindahan, siguro itatanong ninyo kung sino, sino pa edi ang pinakamamahal kong prinsesa, tinatanaw hanggang sa dumating na siya.
“Antagal niyang dumating”, naibulong ko sa isip ko.
Nagugutom na ako ng mga oras na iyon pero hinintay ko pa rin siya. Nilibang ko ang sarili ko sa kapapanood sa mga tao sa daan nang biglang may narinig akong boses, “Manong! Para! Para! Dyan lang sa tabi! Dali!” sigaw mula sa sidecar sa may kanto.
Napalabas ako ng tindahan at tinignan kung sino iyon, bigla siyang bumaba at sa pagmamadali ay nakalimutan na ang bayad.
Bigla akong kinabahan ng makita siya, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Dumeretso na siya kaagad sa pisbolan at nahawi ang mga tao na akala mo ay kung sinong siga ng baranggay ang dumating.
Nang makita ko siya, nagaalangan akong pumunta pero dala na rin siguro ng matinding gutom ay lumabas na ako.
Ngayon, nandito na kaming dalawa, ewan ko ba, kahit maraming tao dito ay kabadong-kabado pa rin ako, pakiramdam ko’y lulubog ako sa kinatatayuan ko, sa tuwing maririnig kon ang boses niyang patuloy na humuhingi kay Manong ng pisbol, lalo akong kinakabahan.
Oo nga pala, hindi ko pa naipapakilala ang prinsesa ko sa inyo. Sid ang tawag ng lahat sa kanya dito. Palagi siyang nakaputi, siyempre narsing student nga naman siya, maganda siya pero hindi maarte, simple at mabait, yan ang dahilan kung bakit gustong gusto ko siya. Halos kaibigan niyang lahat ng taga dito, palakaibigan kasi siya at hindi naninira o nanghuhusga ng ibang tao.
Bata pa lang kilala ko na siya, halos sabay na rin kaming lumaki, pero ni minsan hindi ko nagawang makipaglaro sa kanya. Madalas nakadungaw lang ako mula sa aming bahay sa kanya na nasa kalsada na nakikipag habulan. Madalas nga siyang umuuwiing madumi at puro sugat ang tuhod. Pero ni-minsan hindi ko siya nakitang umiyak.
Mag-iisang oras na rin pala kami dito, dumidilim na at paubos na ang tinda ni Manong, gusto ko na sanang umalis pero hindi ko siya maiwan.
Tumagal pa at dumungaw na si Mang Domeng mula sa bakery na nakatingin sa akin na nagsasabing bumalik na ako sa tindahan.
Maya maya, biglang sumigaw si Aleng Onang, ”Isidra!! Nakatambay ka nanaman dyan! Umuwi ka na’t mag-aral ka!!”
Naisip ko, ”Sino kaya si Isidra?” bigla akong natawa at naibulong ko, ”Ang Sid ay shortcut ng pangalan niyang Isidra!”. Sa pag-iisip ko, hindi ko na namalayang na umalis na siya.
Pag-uwi ko sa bahay, umupo ako sa bintana, sa bintanang katapat ng bintana sa kwarto niya, nagbakasakaling dudungaw siya at makikita ko ang maganda niyang mukha.
Pero gumagabi na, wala pa rin siya, kaya naisipan ko ng isara ang bintana at magpahinga na nang bigla siyang dumungaw at sinabi, ”Tisoy! Patulong naman sa assignments ko, pls?!”
Sinabi niya yun sa akin! Sinabi yun ng pinakamamahal kong prinsesa! Tuwang tuwa ako kaya hindi ko na nagawang sumagot.
"Hoy! Tisoy! Ano pwede ba? Dali punta ka na dito samen!” Tumango na lang ako at dali-daling pumunta sa kanila.
Tandang tanda ko pa, mag-aalas nuebe na ng gabi noon, pinuntahan ko siya sa kanila kahit pagod at inaantok na ako.
Mahigit isang oras din kaming magkasama, kitang kita ko ang mga mata niyang parang bituin sa langit ang kinang, ang mga labi niyang sing pula ng apple, ang pisngi niyang sing bilog ng monay na tinda ko sa bakery kaya hanggang pag-uwi ko siya pa rin ang nasa isip ko.
"Mas maganda pala siya kapag malapitan.” Bulong ko sa sarili ko, hanggang sa makatulog akong siya ang nasa isip ko.
Kinabukasan, sarap na sarap ako sa pagtulog ko nang biglang may bumato ng pandesal sa akin mula sa ibaba, nagising ako at galit na lumabas sa balkonahe at sumigaw.
”Sino yun?!”
lumingon ako sa buong baranggay hinahanap kung sino ang nangistorbo ng masarap kong tulog.
Pumasok ako sa loob nang bigla kong narinig ang boses na pangisi-ngisi na tawa galing sa baba, sinilip ko, at nakita kong si Sid pala yun! Biglang nawala ang galit ko at dali daling bumaba. Tuwang tuwa ako ng umangang yun, hiniling kong sana’y di na matapos ang oras na yun.
Araw-araw kaming nagkikita sa pisbolan, pagkatapos sa pisbolan diretso sa bahay nila at tinuturuan ko siya sa mga assignment niya. Naging tutor na niya ako.
Kapag wala naman siyang pasok ay nanonood kami ng DVD dito sa bahay namin. Tanda ko pa, paulit-ulit naming pinapanood yung You are the One, halos sumuko na nga yung DVD player ko at DVD sa ka-uulit niya, gwapo daw kasi yung artista, eh mas gwapo naman ako dun!
Naalala ko pa nung may pinanood kaming nakaktawang movie, natawa ako hindi dahil sa movie kundi dahil sa kanya, nakakatawa kasi siyang tumawa! Kung tumawa kasi siya para bang wala ng bukas.
Dahil dito naging close kaming dalawa, madalas kaming namamasyal sa Luneta, kilala na nga kami ni Manong Sorbetero e! Pano si Sid palaging gustong bumili doon. Lahat na yata ng flavor ng ice cream ni Manong eh natikaman na namin!
Nung minsan ay dinala niya ako sa Baywalk, napaka daming tao, madaming tindahan.
Simula noon, madalas ko na siyang niyayayang manood ng sunset. Napanood ko kasi sa movie yun kaya ginaya ko.
Napakaraming alam puntahan ni Sid pati tuloy ako nadadamay sa mga gala niya.
Nandoon ako sa lahat ng importanteng araw sa buhay niya, nung birthday niya at siyempre nung graduation niya.
Hindi ko naisip na ang simpleng pagdungaw ko sa aking bintana ang magiging daan para maging tunay na prinsesa na siya ng buhay ko.
Tanda ko pa, nakasakay kami sa LRT, siksikan pa nga noon, uwian na rin kasi. Sa sobrang siksikan ay napayakap siya sa akin.
Nang bumaba na kami ng LRT, sa gitna ng maraming tao bigla ko siyang tinanong, ”Sid! Pwede bang maging prinsesa ka na ng buhay ko?” Pero hindi siya sumagot, nahiya ako dahil napakaraming tao ang nandoon, sumigaw ako ulit, ”Sid! Ano ba?”.
Hindi pa rin sumagot si Sid, tuloy pa rin siya sa paglakad, nakatingin na lahat ng tao sa akin, hiyang hiya man ako, sumigaw ulit ako sa kanya, ”Isidra!! Mahal na mahal kita!”.
”Hindi ako bingge! Oo naririnig kita!” pasigaw niyang sinabi sa akin.
Tinanong ko ulit siya at laking gulat ko sa isinagot niya, ”Oo Tisoy! Mahal na mahal din kita! Kahit korny yung mga jokes mo! Kahit baduy ka! Kahit buong buhay ko pisbol lang ang kaninin natin! Basta kasama kita. Ayos na.”
Hindi ko alam kung paano ko isisigaw sa buong mundo kung gaano ako kasaya. Natulala ako at natigilan, hanggang sa biglang nagpalakpakan ang lahat ng tao sa LRT, noon ko lang naintindihan na sinagot na nga pala ako ni Sid! Tuwang tuwa ako na halos lahat ng taong makasalubong namin ay binabati ko.
Simula ng araw na yun, naging napakasaya ng buhay ko. Ang dating buhay ng isang ordinaryong panaderong tulad ko ay naging napaka saya nang dumating siya. Hindi ako makapaniwalang minahal niya ang tulad ko.
5 taon din simula noong araw na sinagot niya ako sa gitna ng LRT, saksi ang lahat ng taga dito sa baranggay sa naranasan naming kaligayahan ni Sid. Napakasaya talaga namin kaya inakala kong hindi na matatapos ang kaligayahang iyon. Nang isang araw, dumating na ang kinatatakutan ko.
Nakaupo kaming dalawa noon sa terrasa ng bahay nila nang may dumating na sulat para kay Sid, galing ang sulat sa Canada. Nang makita ko ang sulat, kinabahan akong bigla.
Ang sulat ay nagsasabing natanggap na siya sa inaaplyan niyang trabaho doon sa Canada bilang isang head nurse sa isang private hospital sa Ontario.
Nalungkot ako ng malaman ko iyon, pero hindi ko pinakita yun kay Sid dahil alam kong pangaray niya yun at hindi ko dapat siya pigilan.
Gusto ni Sid na pigilan ko siya, pero hindi ko magawa, naduwag ako. ”Tisoy, ayos lang ba sayo kung pupunta ako doon? Sabihin mo lang na ayaw mo at hindi ako tutuloy.” Tanong niya sa akin, pero hindi ako sumagot kaya napilitan siyang umalis at iwan ako.
3 taon na din kaming walang komunikasyon, nung una iniisip kong marami siguro siyang ginagawa.
Kapag tumatawag siya minsan ni-kamusta man lang sa akin ay hindi niya nasasabi. Kapag sumusulat naman ako sa kanya ay hindi siya sumasagot. Hanggang sa tulutan nang nawala ang komunikasyon naming dalawa.
———– oo
Pagkatapos ng 4 na taon, nagkaroon ako ng pagkakataong bumalik sa Pilipinas. Pag dating ko sa airport wala sinuman ang sumalubong sa akin.
Pagdating ko sa Baranggay Bukong-bukong ay sinalubong ako ng mga kapit bahay namin.
Ganon pa rin tulad ng dati, may mga batang naglalaro, at yung mga dating batang patakbo-takbo ay malalakin na ngayon, nandoon pa rin sila kapitan pero hindi na siya ang kapitan, buhay pa rin ang bakery ni Mang Domeng, iba nga lang ang itsura nito ngayon.
Lumingon ako sa buong paligid, tingin ko’y walang nagbago, pero marami pala.
May isang tao akong gustong makita pero wala siya.
Nilibot ko ang Luneta, ganoon pa rin tulad ng dati, marami pa ring tao. Pakiramdam ko kahit saan man ako lumingon, alaala naming dalawa ang nakikita ko.
Nagtanong pa nga ako sa sorbetero sa pagaakalang iyon pa rin si Manong sorbetero dati. Nagpunta sa Baywalk at hinintay ang paglubog ng araw sa pag-asang baka darating siya doon. Maghapon akong naglakad at hinanap siya.
Pagsakay ko sa LRT, siksikan pa rin, mas marami nga lang ang tao ngayon kaysa dati. Habang naglalakad ako, naiisip ko yung panahong sinagot ko siya. Hindi ko siya nakita kaya bumalik na lang ako sa bahay.
Sa paglalakad lumingon ako, at napaupo na lamang sa gilid at bigla kong napansin ang pisbolan. Naisipan kong bumili at kumain, habang kumakain napatingin ako sa bakery at naalala ko siya. Hinintay ko siya baka sakaling lumabas siya at samahan akong kumain ng pabotio naming pisbol.
Gabi na pero wala ni-anino niya, umalis na si Manong at naiwan ako sa kalsada. Biglang nawala ang lahat ng tao sa kalsada. Lalo akong nalungkot dahil hindi ko alam kung nasaan siya.
Umuwi ako at naupo sa bintanang katapat ng bintana sa kwarto niya, hinintay ko siyang dumungaw, pero gumagabi na, wala pa rin siya, kaya naisipan ko ng isara ang bintana ko at magpahinga na nang biglang may lumipad na papel sa akin galing sa kanyang bintana.
Naiyak ako ng mabasa ang nakasulat,
"Sid, akala ko hindi na matatapos ang kung ano mang meron tayo dati. Nagkamali ako, hinintay kita nang matagal pero antagal mo ring dumting. Sana naging masaya ka sa mga panahong nagkasama tayo. Ako, naging napakasaya ko, hinding hindi ko makakalimutan lahat, na minsan sa buhay ng isang panaderong tulad ko, may dumating na isang prinsesa na minahal at pinahalagahan ako. Mag-iingat ka palagi. Mahal na mahal kita. –Tisoy”
Galing sa kanya ang sulat na lumipad sa akin, hinanap ko kung nadoon siya sa kabilang bintana, mabali-bali na ang leeg ko sa ka dudungaw, halos mahulog hulog na ako sa bintana pero wala siya.
Lumipas ang mga araw, akala ko’y darating siya. Gabi-gabi ko siyang hinihintay na dudungaw at kakausapin ako., pero wala siya.
Tuwing umaga, binabato ko ng dalawang tinapay ang kwarto niya, pero wala kahit anong boses akong naririnig, dumadaan ako sa bakery pero wala rin siya.
Wala ng naiwan kundi ang pisbolan ni Manong sa tapat ng bakery. Hinihintay ko siya, pero wala. Umiyak ako at napa-isip na lang.
Lumipas ang maraming araw, nabuhay ako ng wala si Tisoy.
Pa-minsan minsan hinahanap hanap ko pa rin siya at hinihiling na bumalik na lang ang lahat sa dati.
Tuwing pupunta ako sa mga lugar kung saan kami palaging magkasama, nalulungkot at natutuwa ako.
Madalas akong nagsusulat at ibinabato ito sa kwarto niya kahit ni-minsan hindi ako nakatanggap ng sagot.
Madalas ko pa ring pinapanood yung favorite naming You are the One.
Bumilbili pa rin ng ice cream at pinapanood mag-isa ang paglubog nga araw.
Ganito na ang buhay ko at natuto akong tanggapin ito.
Alam ko kung nasaan man si Tisoy, masaya siya dahil mahal na mahal ko rin siya kahit wala na siya sa tabi ko.
Sa pagkawala ni Tisoy, naisip ko, na hindi dapat bitawan ang isang taong minsan lang dumating sa buhay mo, mga taong hindi lahat ay nakakatagpo,
"dahil ang pag-ibig ay parang pisbol, hindi pwedeng bigla mong kainin kapag mainit dahil mapapaso ka, kaya dapat dahan dahan, kailangang isawsaw sa sauce para magkaroon ng lasa, kapag nasobrahan hindi na masarap kaya dapat tamang tama lang. Kapag busog na dapat ng tumigil, hindi porket mura pwede ng abusuhin sa pagbili, dapat pahalagahan dahil tulad ng pisbol, kapag hindi mo kinain masisira. Parang ang pag-ibig, kapag hindi inalagaan masisira at mawawala."