Bumili ako sa barbequehan sa kanto.
Sa paghihintay ko, meron akong napansin.
Bakit ba kailangang magkahawak ang kamay kapag naglalakad?
Simula pa dati, di ko na maintindihan kung bakit palagi kong nakikita ang mga kamay na magkakahawak.
Hindi kaya sila nahihirapan?
Parang sagabal kasi yun.
Nung bata pa ako, iniisip ko na kaya hinahawakan ng mga magulang ang kamay ng mga anak nila ay para di sila mawala sa mall o para di madapa sa paglakad o pagtakabo.
Nung elementary na ko, iniisip ko kaya hinahawakan ng mga teacher ang kamay ng estudyante nila aya para tulungan sa pagsusulat o pagsagot o para di mawala sa pila.
Nung highschool na ko, sakin din merong humawak ng kamay.
Hawak tuwing naglalakad;
hawak kapag bababa o aakyat ng hagdan o sasakyan;
hawak sa pagtawid;
hawak sa pagsayaw;
hawak kahit naguusap lang;
hawak sa ilalim ng mesa o likuran.
Nung mga unang taon ko sa college, meron din akong mga naging kahawak.
Magkahawak sa matagal na paglalakad;
magkahawak sa dahan dahan o pagtakbong pagtawid;
magkahawak sa pagsakay sa jeep, lrt, bus o fx;
magkahawak sa pagakyat at pagbaba ng matataas na foot bridge;
magkahawak sa pagsayaw at pagkanta;
magkahawak sa panonood ng sine;
magkahawak habang magkatabi;
magkahawak hanggang sa kailangan ng bitawan.
Pero ngayon, palagi kong nakikita ang iba na magkahawak sa school;
magkahawak sa mall;
magkahawak sa daan;
magkahawak sa bahay;
magkahawak sa simbahan;
magkahawak sa pag buo ng magaganda at masasakit na alaala.
'Di lang hawak, magkahawak.
Pero di ko pa rin maintindihan kung ano ang meron sa paghawak ng kamay.
Siguro, kakaiba talaga ang pakiramdam na bigay ng init ng ibang palad sa ating palad.
"Sense of security siguro,"
Sa lahat ng paggawa, ang ating mga kamay ang lagi nating gamit.
Unti-unti kong naisip, kaya siguro kapag merong humahawak ng ating kamay, pakiramdam natin na ang taong ito ay palaging nasa tabi natin na tutulong at magpapalakas ng loob.
Siguro sa paghawak din ng kamay, nararamdaman nating kung gaano tayo pinahahalagahan ng taong humahawak nito.
Pagpapahalagang hindi tayo iiwan, hahayaang masaktan o makuha ng iba.
Pero kasunod ng paghawak ay ang katotohanang kailangan ding bitawan.
Maaaring bitawan ng sandali pero kadalasan binibitawan at di na muling hahawakan.
Dumidilim na pala, naluto na rin ang isaw at barbeque ko.
2 comments:
Aww. Nice, love this post. :")
tunay yan ding! mula sa puso :)
Post a Comment